*salamat sa mga komento ni Rosalie Calpito para sa ewan kong pagbabago. Apprently, ganito dapat ang nangyayari sa mga tula-tula. 🙂

The sky is full of dreams; but you don’t know how to fly.

The killers, “This is your life”

 

Una, nasaan ang pangarap?

Nasa naglalakihan, nag-uumpugan,

Nagtataasang semento kung saan

ang mga Tao’y hindi mo kilala?

Nagbababad hapon hanggang umaga

Sa paulit-ulit na kapalaran?

O baka ito ay panaginip?

Ang nais maabot, marating,

Masilayan sa piling ng hangin,

Maamoy sa himpapawid.

Magsisimula na ang dilim.

Malamig ang kalsada.

 

Kung magpapatuloy ang pangangarap,

Saan ang pupuntahan?

Kung ang nais ay mapasama sa mga

Naghihingalong kaluluwa na nabubuhay

Matapos ang oras sa opisina,

At namamatay sa pagsapit ng umaga?

Ano ang hantungan ng mga nawawalan ng buhay

Para sa pangarap na barya?

 

At kung ito ang panaginip,

Paano gigising kung ang akala

Ay isang halina sa eksena?

Paanong gising ay nanaginip pa rin?

Paano kung ang nakikita ay

Hungkag, huwad, tulad ng

Larawang walang laman?

 

Ang ipinag-iisa ng pangarap,

At ng panaginip ay ito:

Parehong itinatakda,

Iginuguhit sa gunita,

Hindi nagmula sa sarili,

Sa bukal ng pagsamo, pagnanasa.

 

Pangalawa, marahil ay hindi

“hindi alam.”

Kung hindi:

“hindi kaya.”

Sapagkat ang sikmura’y walang laman,

At ang barong-barong ay ginambala ng panahon.

O ang ipinaskil ay may nakalagay na:

“at least college level.”

Ano ang ibig sabihin ng diploma?

Ano ba ang hitsura ng diploma?

Sapagkat ako ay maliit lamang.

At ito ang aking buhay.

Ang pangangarap ay para sa mahina,

Kung hindi bubunuin ng buto, at ihahakbang ng hininga.

At ang pananaginip ay para sa duwag.

Dahil kapag mulat ay nakaupo’t tulalag.

Ang naiwan ay paglipad.

Paglaladlad ng pakpak tungo sa hinaharap.

Hindi tungo sa toreng kanilang itinatag,

Kung hindi sa mga itinatago ng malalaking ulap.

 

February 10, 2012

Advertisements