Tayo, noon

 

Nagsimula tayo sa madaling araw

Naghihintay ang dilim sa mga salita

At pinapanood ang pagtatagpo ng ating mga palad

 

Hinahanap ko ang mata mo

Ngunit nakatalikod ka sa bintana kung saan

Sumisilip nang bahagya ang buwan

Ang tanging meron ako ay ang iyong boses

At ang guhit ng iyong mga palad

 

Ang pagbungad ng umaga ay sinasabayan ng

Pagdilat – at ikaw, humihinga pa rin

Sa aking tabi.

Dadalhin tayo ng ating mga paa sa ligalig

Ng lungsod.

Sa mga nagpapanggap na ngiti

Mapagkunwaring tayog.

 

Pinag-usapan natin dati

Kung paano magpanggap tuwing umaga.

Yuyuko habang ang iba’y nagmamasid

Kakapit sa hangin habang nag-aabang

Ng pagkakataon, kung kailan hindi na

Magkukubli; hindi na masisindak

Sa mga pangalan.

 

 

Tayo, noon: ikalawa

 

Ang hapon ay banayad

Habang mabagal tayong hahakbang

Hindi alam ang pupuntahan,

…hindi alam ang pupuntahan.

Kung saan tayo dadalhin, ay doon

tayo dadalhin.

Parang tayo ay sinawi ng ating kapalaran.

 

Ngayon, tayo’y nagkakasundo.

Malawak ang mata ng gabi at

maingay ang pitik ng hangin.

Bukas, lalabas tayo at tititig

nang iisa sa ingay ng mundo.

Ang pagyuko ay pagtatago.

Ang pangalan ay kasiguraduhan,

kahit gaano man panandalian.

 

Sa ngayon, sabay muna nating panoorin

ang paghimlay ng buwan at

pagsasalita ng kadiliman.

Advertisements