Unang banggit sa “Last Page of a Google Search” ng Pedantic Pedestrians


Noong ikawalo ng Mayo 2014, inilabas ng Pedantic Pedestrians (pangunahin, kung hindi man, essentially ni L) ang “Last Page of a Google Search,” ang pinakahuling proyekto ng grupo.

Pinag-usapan agad ito ng mga miyembro kinabukasan, sa table ng isang restaurant na matatagpuan sa pinakamatandang hotel sa Baguio. Ngunit bago pa pala ito pag-usapan nang harap-harapan, na-like at nai-share na ito ng bawat isang miyembro. May pahiwatig na ukol sa gawi ng mga taong ito at sa uri ng mundo nila.

Nabanggit in passing ni J ang pagkakahawig ng proyektong “Last Page of a Google Search” sa ideya ng Unoriginal Genius na mukha namang ang kay Marjorie Perloff ang pinanggagalingan. Nasa isip ba ito ni L nung “kinu-curate” (o kaysarap maging meta) itong proyekto niya? Kung anuman, pwedeng i-push na shine-share ng “Last Page of a Google Search” ang ilang masasabing mapag-balikwas na ideya sa likod ng Unoriginal Genius ni Perloff.

genius

Sa sinulat ni Vaclav Paris tungkol sa akdang ito ni Perloff, si-nite niya ang citation ni Charles Bernstein na axiom daw ni Walter Benjamin (para na ring performance iyon ng citation!): “To write history is to cite history.” Kung susundin natin ito, masasabing ang pag-sa-“cite” ng “Last Page of a Google Search” sa mga literal na last pages ng iba’t-ibang Google Searches ay isang proyekto ng pagsusulat ng, o pakikisangkot sa kasaysayan. Pero dahil malamang given na ito dahil anong gawi ba ng sino ang labas sa kasaysayan, mas mahalaga ay ang pagtingin na hindi lamang basta nag-sa-cite ang “Last Page of a Google Search.” Ito rin ay proseso ng pagku-curate; ito ay isa ring proseso ng pagpoporma. Kung ganito nga, ano ang tinitingalang ideya ng pagpopormang ito — kung ang sa authors ay “dramatic” o “literary” expression at sa Google naman ay “relevance” tulad ng binanggit sa 166-word na ‘introduksyon’ ng proyekto – ano ang sa “Last Page of a Google Search”? Itatanong ko ito kay L ‘pag nagkita kami. O dahil may cyberspace rin naman siyang katauhan, siguro pwedeng sagutin niya na rin dito.

*

Bakit “last pages” ng Google searches ang pinili ni L para sa proyektong ito? Pwedeng pagtindig ito laban sa criteria ng ‘relevance’ ng Google. Ano ba ang batayan ng ‘relevant’ para sa Google? Ano ang batayan ng kung ano ang mga unang lalabas ‘pag nag-search ka ng something sa Google? Iyong ano yata, ‘yung occurrence ng mga salitang si-nearch mo sa libo-libong (milyon-milyong?) website sa internet. Kaya nga merong SEO. Tadtarin mo yung articles mo ng maraming ganito o ganyang salita para ‘pag nag-search ang netizens ng ganito o ganyang salita, lalabas agad iyong site kung saan ipo-post yung article. At ano ang nirerepresenta ng mga matatagpuan sa ‘last pages’ ng isang Google Search? The most worthless scum among the vast information in the World Wide Web as searched by Google? Ganito lang ba ito kasimple? Imbes na i-feature natin ang nanalong Miss Universe, ang i-feature natin ay iyong hindi man lang pumasok sa Top… 30? Basta yung tipong unang elimination tanggal agad. Ano pa ang maaaring pagtingin dito?

__________________

_________________

_______________

 

*

Sabi ni K, parang tamad yung proyekto pero at the same time laborious, or something like that, hindi naman ito verbatim. Gaano ito ka-tenable? Nasaan ang ‘labor’ sa “Last Page of a Google Search”? Ika nga sa 166-word na intro nito, “It is fortunate that Google is less pretentious in its curatory criteria that we can “SIMPLY” copy and paste into a reliable word processing program and call it art.” Simple lang pala ang proseso eh. Nasaan ang labor? Hindi maiwasang maalala si Sol Lewitt at ang luma pero parang bago pa rin niyang Paragraphs on Conceptual Art. Primary ang ideya kesa execution at ika nga ni Lewitt, (Conceptual art) “is usually free from the dependence on the skill of the artist as a craftsman.” Pwede kaya nitong suportahan ang ‘katamaran’ at the same time ‘labor’ ng “Last Page of a Google Search”? Laborious ang pag-iisip at paghuhulma ng konsepto at matapos ay pag-iisip ng porma para ipakita ito habang parang effortless na lang mismo ang execution? In that sense, medyo radikal sapagkat taliwas sa traditional na privileging ng ‘finished’ artistic product o object, na hindi necessarily coupled with ‘lazy’ conceptualization.

Nadako na rin kay Lewitt,ituloy-tuloy na. Tinawag ba talaga ng proyekto ang sarili nito bilang ‘art’? Mahihinuha ito sa parte ng intro na nabanggit na sa itaas. Panghuli sa 35 “sentences” ni Lewitt “on conceptual art” ay ito: “These sentences comment on art, but are not art.” Pretentious lang ba o quasi-subversive si Lewitt kaya niya sinabi ito o sarcastic at mapang-uyam lang din si L kaya niya naman tinawag na art ang proyektong kaniyang binigyang-porma? Kelangan pa ba itong klaruhin? At least, wala sa kanila ang nag-claim na ‘anti-art’ – ang pinaka-walang kwentang attempt maging radikal sa mga usaping art-art.

*

Panghuli, ilang araw matapos ilabas ni L ang “Last Page of a Google Search,” nakita ko ang link na “Displacement is the New Translation” ni… ehem! Kenneth Goldsmith na shi-nare ni J (Hindi pa sa akin malinaw ang pagkaka-ugnay ni Goldsmith kay Lewitt sa tradisyon ng conceptual writing, o art in general). May ilang pahayag si Goldsmith na uncannily nagpaalala sa akin ng “Last Page of a Google Search.” Sabi ni Goldsmith (mahaba-haba ito): “Globalization engenders displacement. People are displaced, objects are displaced, language is displaced. In a global circulatory system, components are interchangeable; there is no time — and certainly not enough energy — for understanding. Instead, there is begrudging acceptance and a blinkered lack of understanding, ultimately yielding to resignation.” Maaari bang isiping modelo ng displacement ang sinusunod ng “Last Page of a Google Search?” Kaiba sa ideya ng translation na ipipilit hanapan ng equivalent ang bawat salita sa isa at iba pang lenggwahe, ang displacement ay mas mapaglaro at mas malikot, at siguro, mas mapagpayaman. Siguro parang postmodern; siguro parang post-structural. Ngunit paano kung ang presyo nito ay ang paglupaypay ng understanding tulad ng sabi ni Goldsmith? Paano hindi mauulit ang mga naging sanhi ng ‘failure’ ng mga traditional na avant-garde, mula kay Rimbaud hanggang kanila Andre Breton? O hindi ba concern kung mag-fail man tulad ng Dada at nila Marinetti?

Kuha naman ang produktibong pag-kocontrast ng ‘displacement’ sa ‘translation’ lalo na kung ikukunekta ang ‘fixity’ na wet dream ng translation sa continued entrenchment at perpetuation ng prevalent na social order (ito na!) at ang ‘displacement’ bilang bahagi ng critique sa translation at mga ideyal nito. Ngunit anong dini-displace ng “Last Page of a Google Search” at kung meron man, what does it put in place of the one it displaced?

Malamang hindi ang “prevalent social order” ang tinatangkang i-displace ng “Last Page of a Google Search.” Malamang. Para lamang sa meatspace ang mas authentic at makabuluhang pag-displace sa social order na ‘yan. Sakto lang kung ganun, sapagkat may katapatan naman yata ang “Last Page of a Google Search” pagdating sa nais nitong (o hindi nito binalak) gawin: I-displace ang ‘information’ na nasasagap natin sa Google, i-displace ang mga ‘aral’ ng mga naunang avant-garde;” i-displace ang ‘art.’

Ang hirap mag-isip ng mas mabigat na ending statement.