Ang pakyu ni Gadon sa mga raliyistang sumuporta kay CJ Sereno noong nakaraang linggo ay pakyu ng kapangyarihang kampante sa kapangyarihan niya. Dahil dito, labas na sa usapin kung “disente” o “tama” o “kagalang-galang” ang ginawa ni Gadon—sa totoo, walang usapang naganap. Maliban sa pakyuhan at batuhan ng salitang sumasaliwa, demonstrasyon ng kapangyarihan ang naganap. Sa isang banda, si Gadon at ang middle finger nitong inangat ng kumpyansa ng isang bata ng Presidente. Sa kabilang banda, mga sumusuporta kay Sereno na mula pa sa magkakaibang lugar, sektor at pulitikal na samahan—pinagbigkis, kahit provisionally at tactically, ng layuning ipagtanggol ang Korte Suprema at tutulan ang posibilidad ng diktaturya.

gadon-on-his-baguio-behavior-i-dont-care-if-im-disbarred
From: https://www.topnewsphil.com/gadon-on-his-baguio-behavior-i-dont-care-if-im-disbarred/

*

Sa climactic scene ng On the Job, hinabol ni Joey Marquez ang mga bumaril kay Piolo. Sakay ng kakarag-karag niyang kotse, sinubukang resbakan ni Joey ang mga bumaril kay Piolo na magbibigay sana sa kanya ng ebidensya laban sa isang General Pacheco. Napantayan ng kakarag-karag na kotse ni Joey ang mga bullet-proof na kotse ng mga nagpaputok at bossing nito—si Leo Martinez. Ngunit wa epek dahil pagdating sa bilang at kagamitan, olats si Joey. Sa huli, siya pa ang dedepensa nang paputukan na rin siya ng mga galamay ng makapangyarihan. Basag agad ang bintana ng kotse niya. Walang laban si Joey at kung hindi pa pinatigil ni Leo ang pag-asinta sa kanya, malamang dedbol na rin siya gaya ni Piolo. Mula sa likod ng inararong sasakyan, ngumiti ang kamay ni Joey—nagpadala ng duguang pakyu sa mga bumaril sa kanya.

Pero ang pakyung ito ay ‘di lang para sa mga makapangyarihang sumupil sa umaalagwa nilang imbestigasyon ni Piolo. Para rin sa mga nanonood ang pakyu ni Joey. Not that pinapakyu directly ni Joey ang mga ito. Ipinapakita dito ng finger gesture sa mga manonood kung gaano kaliit, at halos walang-silbi, ang pakyu ng isang duguang pulis sa harap ng mga big-time niyang kalaban. Maaaring mag-nominate ng hope, kundiman pati valiance, at igiit na sa halip na muwestra ng pagsuko (parang white flag na itataas) ay pagkagalit pa rin ang matapang na minuwestra ni Joey. Pwede ring maging cynical, if not realistic, sa pagtalos: isang pulis ka lang—SPO1 pa—hindi mo kayang patumbahin ang mga senador at malalaking negosyanteng nagpapagulong sa bansa.

Pakyu ni Joey
SPO1 Joaquin Acosta’s fuck you

Kahit ang poging Piolo, kahit ang hepe ng NBI kayang patayin—in public pa! Pakyu na lang muna sa ngayon. Magpapahilom pa ng sugat—tsaka tutuloy—sana next time, di na nag-iisa.

*

Panghuli, may sidekick catchphrase noon ang hashtags na #PakyuMRT at #MRTBulok: something like, dahil pinapakyu tayo ng MRT, pakyuhin natin ‘to pabalik. Mata sa mata, pakyu sa pakyu pero hindi totoong tautology. Ang mas malapit sa totoo: makatarungang pagka-dismaya/pagkamuhi ng mga commuter kapalit ng palpak na serbisyo (pribatisado (in the guise of PPP), kulang-kulang na tren, maraming kaso ng pag-malfunction atbp.).

mrt
From: https://www.facebook.com/photo.php?fbid=1704263679634804&set=a.580061362055047.1073741834.100001535661037&type=3&theater

Pinapakyu na tayo ng sistema (ng buwis, ng tren, ng edukasyon, ng pagkain), pwedeng tumunganga, magbilang ng tupa, makinig nang (at ng) vinyl, mag-rugby, magluto ng pesto pasta, pumunta sa gubat, magsulat ng pabrika, kumausap ng kasama, mag-organisa ng party, magpakilos ng kukote, magbigay-pugay sa gitnang daliri.

Advertisements