Ang Laro ng Tagasalin, o, Sa Nangyari kay Maxine ay Nanalo Tayo in Some Ways


Prologo:

Ako, ang tagasalin, ay tagalansi, hindi tagalinis. Ang wika ay hindi isang kumpleto, malinis, perpekto at saradong sistema. Ang wika ay ikaw at ako rin, at ang mga nagbabago nating hininga at hangganan, hangin at hantungan.

Wala akong pangalan sa entablado ng pagandahan. Dito, ako ang nagsasalita.

maxine2
Mula sa:

 

 

I.

Tinawag na ang Top 13, bumibilis ang kolektibong pulso ng MOA Arena.

Kenya! (Yuhooo!)

Indonesia!

Mexico!

USA!
Peru!

Panama!

Colombia!

Canada!

France!

Thailand!

Haiti!

Brazil!

Miss Philippines!

Kolektibong palakpakan, hiyawan, talunan (dahil walang tanda ng accent: pwedeng basahin hindi lang bilang “act of jumping” kung hindi “loser”)!!

Kinakabahan rin ako. Kakailanganin pa ba ako ni Maxine? No shame daw in using an interpreter sabi ng ilang personalidad tulad ni Lea Salonga at Gloria Diaz. Bakit kailangan pang linawin ito? Bakit may implicit na ideya na loser ka ‘pag gumamit ka ng interpreter, ‘pag di ka ganun ka-eloquent sa Ingles? Bakit kailangan ng ganung reassurance: use Filipino if you are more comfortable with it!

Kapag nasa entablado na ako, delusion of grandeur ba ‘pag inisip kong nakasalalay sa akin ang magiging kapalaran ni Maxine sa pagandahang ito?

Tatawagin na ba ang Top 6? Lalo akong kinakabahan.

Binalikan ko ang notes ko:

“all great ‘dialogues’ in the history of philosophy were so many cases of misunderstanding: Aristotle misunderstood Plato, Thomas Aquinas misunderstood Aristotle, Hegel misunderstood Kant and Schelling, Marx misunderstood Hegel, Nietzsche misunderstood Christ… Precisely when one philosopher exerted a key influence upon another, this influence was without exception grounded in a productive misreading…”

“ang pag-banggit ni Lumbera sa kasabihang ‘Traduttore, tradittori’‘Traduttore, tradittori’ (sinasalin kadalasan sa ingles bilang ‘Translator, traitor’) bilang madalas na pagtingin sa pagsasalin—dahil wala nga namang one-to-one correspondence ang source text at target text at kadalasa’y may nadadagdag at nababawas sa orihinal na akda sa oras na maisalin ito sa ibang wika.”

Nabasa ang mga notes nang halikan ng pasmado kong palad. Ia-announce na ang Top 6, kay dami pa ring tanong: makakapasok kaya si Maxine; kung makakapasok siya, kakailanganin niya kaya ako?

II.

Hindi babawiin ni Steve Harvey ang tanong niya: “What is the most significant change you’ve seen in the world in the last 10 years?”

Did my translation make Maxine lose the pageant and thus, made her win in some other ways?

“Ano ang pinakamakabuluhang naganap na pangyayaring nakita mo sa mundo sa loob ng sampung taon?”

Nag-ingles sa Maxine – did she betray me? Ano ang punto ko sa entabladong ito kung hindi naman siya sasagot sa Filipino? Pero hindi, hindi niya ako ginawang inutil dahil nga mismo ang sagot niya sa Ingles ay sagot sinalin kong tanong, hindi sa ‘orihinal’ na tanong sa Ingles na may slightly ibang kahulugan.

“The one event that I saw all the people bringing in one event like this, the Miss Universe. And it’s something big to us that we are one. As one nation, we are all together.”

III.

If you will betray me, let it be “productive,” kung magtataksil na lang din, sana’y maging “malikhain.”

Tapos na ang pagandahan at bineso ako ni Maxine sa pinakailalim ng aking puso. Nagsasatsatan ang social media nation kung ang “inaccurate” translation ko ba ang nagpatalo kay Maxine; kung bakit hindi na lang daw sya nag-Filipino para mas nakasagot nang maayos, kung sino ba talaga ang nakikinabang sa pagandahang ito ng mga babae sa mundo, kung “we are all together” ba talaga tuwing Miss Universe o laban ni Pacquiao; ano ba talaga ang katuturan at kaninong interes ang namamayani sa pagandahan tulad nito?

Panalo na rin in many ways dahil napapag-usapan ang lagi-namang-andyang isyu ng wika and the often implicit values that we hold in relation to language and how we use it (how it uses us too?); ang lumang isyu ng mataas na pagtingin sa Ingles ay bukas muli; pwedeng hindi natin alam, habang nagpapalitan tayo ng kuro-kuro, lahat tayo ay nakatingin sa salamin. At hindi na lang ako o si Maxine ang tinitingnan ng mga usapan kung hindi tayong lahat at ang kunwaring solidong ideya natin ng “bansa,” “nation,” “beauty” at iba pa.

Matutulog na ang tanghali kasama ako, pumara ako ng taksi (ang mapagkalinga ngunit minsan ay taksil sa kalsada – kung saan-saan sumusuot, gumagalaw kahit pula ang ilaw) at tumitig kay Walter Benjamin bago makaidlip. Ang sinabi niya tungkol sa kung paano mas mainam nating matitingnan ang kasaysayan ay applicable rin sa kung paano natin maaaring tingnan ang wika: not as a “one-way street” but as an “object of conquest.”

Nakatulog na ako nang tuluyan habang lumipad ang taksi patungo sa katotohanan ng inyong mga pinakataksil at pinakamapangahas na imahinasyon.

Advertisements